Inanunsyo ng National Wages and Productivity Commission ang ₱45 na dagdag sa daily minimum wage at ₱1,000 umento sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa Bicol Region.
Inaprubahan ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board Region V ang Wage Order No. V-23 na magbibigay ng dagdag-sahod sa dalawang yugto: ₱20 simula Abril 8 at ₱25 sa Disyembre 1.
Dahil dito, tataas ang minimum na sahod kada araw mula ₱435 hanggang ₱480 para sa mga manggagawa sa rehiyon.
Saklaw ng wage increase ang mga lungsod ng Iriga City, Legazpi City, Ligao City, Masbate City, Naga City, Sorsogon City, at Tabaco City, gayundin ang mga lalawigan ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.
Samantala, sa ilalim ng Wage Order No. RBV-DW-04, itinaas sa ₱6,000 ang minimum na buwanang sahod ng mga kasambahay, epektibo sa Abril 5.
Layunin ng wage increase na matulungan ang mga manggagawa at kasambahay na makasabay sa tumataas na presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin sa araw-araw.














