Sisimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Martes, Marso 17, ang pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mga tricycle driver sa Metro Manila na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pulong balitaan nitong Sabado, Marso 14, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na makakatanggap ang bawat benepisyaryong tsuper ng tig-₱5,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensiya.
Tinatayang nasa 139,000 tricycle drivers sa Metro Manila ang makikinabang sa naturang cash aid na layong makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at kabuhayan sa gitna ng patuloy na pagmahal ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Dumlao, nakipag-ugnayan na ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan at mga local social welfare officers upang isumite at beripikahin ang listahan ng mga tricycle drivers na kwalipikadong tumanggap ng ayuda.
Upang matiyak ang maayos na pamamahagi, pinayuhan ng DSWD ang mga tsuper na magdala ng valid driver’s license at photocopy nito kapag pupunta sa mga itatalagang payout sites.
Hinimok din ng ahensiya ang mga tricycle driver na makipag-ugnayan sa kanilang mga asosasyon upang malaman kung kabilang sila sa listahan ng mga makatatanggap ng tulong pinansiyal.
Tiniyak naman ng DSWD na patuloy silang magbibigay ng suporta hindi lamang sa mga tricycle driver kundi pati sa iba pang tsuper na nakararanas ng krisis sa kabuhayan dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Samantala, nakatakda ring palawakin ng ahensiya ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa iba pang sektor ng transportasyon sa buong bansa sa mga susunod na araw.














