NAGA CITY- Ibinigay ng isang barangay Captain ang 1.5 hectares na lupa para sa 105 households sa barangay Camagong, Tinambac Camarines Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Hon. Ruben Bondad, ang Brgy. Captain ng nasabing lugar, sinabi niyang karamihan sa kaniyang mga ka-barangay ang walang pagmamay-aring lupa na mapagtatayuan ng kanilang sariling bahay.
Bilang tugon aniya at para sa kanyang huling termino, naisip nitong mag donate ng isang ektaryang lupa at bawat resipyentes ay magkakaroon ng residential lot na may sukat na 10 x 10 o 100 square meter. Ngunit dahil sa marami aniyang humihingi sa kaniya, kung kaya’t dinagdagan niya ito ng kalahating ektarya para sa 105 na households.
Ito rin aniya ang itinuturing niyang legacy para sa kanyang mga ka-barangay sa ilang taon nitong pagiging government employee.
Maliban pa rito, maluwag aniya sa kanyang kalooban ang ginawang pagtulong sa kanyang mga nasasakupan dahil ayaw na nitong iparanas sa kanila ang kanyang naranasan na mabuhay na walang sariling lupang tinitirikan.
Samantala, ang nasabing lote aniya ay punong-puno ng mga tanim na niyog at malapit sa paaralan. Isa rin kasi sa kaniyang layunin ay upang malapit lang ang bahay na pagtatayuan ng mga residente sa paaralan, upang hindi na mahirapan pa ang mga batang pumapasok sa paaralan.
Sa ngayon, isang kahilingan nalang ang hinihingi ni Bondad sa mga nabigyan na lupa, na pahalagahan ito dahil para sa kaniya, ang pera ay nakukuha lamang at kahit pa aniya P20 na lang ang laman ng kaniyang wallet hangga’t may mas nangangailangan kaysa sa kaniya, ay ibibigay niya ito sa kanyang mga ka-barangay.