NAGA CITY- Umabot sa 1.5 milyon na katao ang dumagsa sa lungsod ng Naga upang makiisa sa selebrasyon ng Peñafrancia Fiestivities.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Auxiliary Captain Jovito Jesus Palo PCGA, Squadron Director 907th Coast Guard Auxiliary Squadron, punong-puno ng tao ang bawat sulok ng lungsod ng Naga lalo na sa mga area na tanaw ang pagdaan ni Ina Peñafrancia na kung saan bitbit ang puting panyo na kanilang iwinawagayway at isinisigaw ang Viva La Virgen.
Sa kabila ng pagbuhos ng ulan, pagkulog at pagkidlat hindi natinag ang milyong mga deboto sa kanilang malalim na debosyon kay Our Lady of Peñafrancia at El Divino Rostro.
Mayroon mga obispo mula pa sa ibat ibang bansa gayundin mga Senador at VIP na nakiisa sa nasabing aktibidad.
Kaugnay nito, naging mahigpit naman ang ipinapatupad na seguridad ng mga kapulisan, Philippine Army, Philippine Navy, Coast Guard, BFP, PSO-Naga katuwang ang ibat ibang force multiplier and volunteers upang matiyak na mapayapa at ligtas ang nasabing aktibidad.
Bawat tulay naman na dinaanan ng procession ay mayroong nakabantay na mga security forces upang matiyak na walang tatalon sa ilog at magtatangka na makasakay sa pagoda ni Ina Peñafrancia. Mayroong nakastandby na 2 rubber boats and 1 metal boat, 12 divers at elite forces ng Philippine Coast Guard.
Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang mga malalaking insidente kasabay ng selebrasyon ngunit patuloy parin ang pagbabantay ng mga otoridad upang mapanatili ang kaayusan sa buong Naga City.