NAGA CITY- Arestado ang isang babae sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad dahil sa iligal na pagbebenta ng Ivermectin at Lian Hua products sa Naga City.
Kinilala ang suspek na si Cecilia Catacutan, 27-anyos, residente ng Zone 5, Princeton St., Monterey Village, Concepcon Pequeña, sa naturang lungsod.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Offic (NCPO), nabatid na nakumpiska sa suspek ang 20 kahon ng Lian Hua, 200 piraso ng IVM15MG0622 capsule at isang 1000 peso bill at ang 15 piraso ng boodle money.
Samantala, napag-alaman din na bago pa ang naturang operasyon, nagsagawa na ang mga awtoridad ng dalawang test buy sa mga produkto.
Kaugnay nito, isinagawa ang transaksyon online sa pangalang Joel Yao na iniabot naman umano ng sekretaryo ng naturang indibidwal.
Ngunit sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na ang naturang mga produkto ay hindi rehistrado at wala ring Special Permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Dagdag pa dito, wala rin umanong License to Operate (LTO) si Joel Yao para magbenta ng nasabing mga health products.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Catacutan habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Samantala, inihahanda na rin ang kasong isasampa sa naturang suspek kaugnay ng paglabag nito sa RA 9711 o ang “FDA Act of 2009.”