NAGA CITY – Patay ang isang backrider matapos mabundol ng isang van ang isang motorsiklo sa Brgy Manggalang Bantilan, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Manolo Lizardo Vecinal 49 anyos, residente ng Brgy. Milagrosa, Catanauan sa naturang lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng motorsiklo na minamaneho ni Francis John Nocum Obniala, 29-anyos ang kahabaan ng Eco Tourism Road habang angkas si Vecinal ng mabundol ito ng isang van na minamaneho naman ni Alvin Satumba Malabanan, 30-anyos, residente ng naturang lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa lakas ng impact nakatilapon si Vecinal at nakatama sa konkretong kalsada na naging dahilan para magtamo ng mga sugat-sa ia’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Obniala at Vecinal na agad namang dinala sa ospital.

Ngunit sa kasamaang palad, idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Vecinal.

Samantala, ayon naman sa dalawang witnesses sa insidente, napag-alaman na pinasok ng dalawang biktima ang isang underconstruction na kalsada papunta sa Lemery, Batangas na posibleng naging dahilan ng aksidente.

Sa ngayon, nakatakda na ring mag-usap ang dalawang kampo kaugnay ng nasabing insidente.