NAGA CITY- Patay ang isang backrider ng motorsiklo habang sugatan naman ang tatlo pa matapos ang salpukan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Caraycayon Tigaon, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Anthony Cabaero, driver ng motorsiklo habang ang mga angkas nito na sina Marimel Montible at Jessa Mae Rife.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSGT Joseph Carollo, ang OIC Tigaon MPS, sinabi nito na ihahatid lamang sana pauwi ni Cabaero si Montible at Rife sa Barangay Libod matapos bumisita sa isang sementeryo sa Barangay Kilantaao, Sangay.

Subalit, paliko na sana pakaliwa ang sasakyan ng mga biktima nang aksidente itong masalpukan ang likurang bahagi ng sasakyan ng isa pang humahagibis na motorsiklo.

Sapul sa CCTV ang nangyaring insidente kung saan makikita ang pagtilapon ng mga sakay ng dalawang motorsiklo sa kalsada.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat ang tatlong biktima gayundin ang driver ng motorsiklong nakabangga.

Makikita pa sa kuha ng CCTV ang pangingisay ni Montible.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga biktima ngunit idenikalara ng dead on arrival ng mga doktor si Montible matapos mabagok ang ulo.

Ayon kay Carollo, na-release ng mga awtoridad ang suspek dahil tumangging magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima ngunit, kinalaunan ay nagbago umano ang isip ng mga ito at desididong ituloy na ang kaso

Samantala, kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries and Damage to Property ang posibleng isampang kaso ng korte laban sa nasabing suspek.