NAGA CITY – Patay ang isang escort ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang sugatan naman ang apat na iba at 10 Persons Deprived of Liberty (PDL) matapos tumagilid ang sinasakyan ng mga itong Mobile Service sa Labo, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Lieutenant Colonel Augusto A. Manila, hepe ng Labo Municipal Police Station, sinabi nito na nangyari ang insidente sa national highway na sakop ng Barangay Bautista, sa nasabing bayan.
Aniya, habang binabagtas ng sasakyan na sinasakyan ng 10 PDL at 5 BJMP personnel na nag-escort sa kanila ang kalsada mula Masaluong BJMP Annex patungo sana sa pagdinig para sa nasabing mga PDL nang mangyari ang insidente.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad iniwasan ng service vehicle ng BJMP ang kumaliwang tricycle ngunit dahil naman dito ay bumaligtad ang nasabing sasakyan.
Ayon pa kay Maynila, ang biglaang paghinto ng sasakyan ng BJMP ang dahilan ng pagtagilid nito.
Dahil sa pangyayari, nagtamo ng sugat sa katawan ang lahat ng pasahero ng sasakyan.
Agad namang nirespondehan ng Labo MPS ang insidente kasama ang Labo MDRRMO ambulance at dinala ang mga biktima sa isang ospital.
Sa kasamaang palad, isa sa mga escort ng BJMP ang idineklarang dead on arrival sa ospital.
Sa ngayon, hinahanap pa ng mga awtoridad ang driver ng tricycle na sangkot sa insidente.