NAGA CITY – Patay ang isang construction worker matapos na pagbubugbugin sa Tayabas, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Harvey Nocus, 23-anyos, residente ng Carmenville Subd. Barangay Wakas, sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na personal na nagsampa ng reklamo ang ina ng biktima sa Tayabas Municipal Police Station laban sa mga suspek na sina Gerardo Sacramento, 58-anyos; Norberto Gaela, 48-anyos at Clodualdo Casuco, 52-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na umamin ang biktima sa nanay nito na pinagsusuntok ito ng mga suspek noong Oktubre 25, 2021 matapos naman na dumaing ito na masakit ang kaniyang tiyan.
Agad naman na dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit kinaumagahan tuluyan na itong binawian ng buhay.
Sa ngayon, nagpapatuloy imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng mga suspek para sa karampatang disposisyon.