NAGA CITY- Patay ang isang kasapi ng Communist Terrorist Group sa engkwentro ng tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo sa San Fernando, Camarines Sur.

Ayon kay Maj. John Paul Belleza, DPAO Chief, 9ID, Philippine Army, tumagal ng 8-minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng nasa 10 rebeldeng grupo at ng 81st Infantry (SPARTAN) Battalion at Philippine National Police (PNP).

Kinumpirma ni Belleza, na posibleng maliban sa namatay, may mga nasugatan rin sa panig ng rebeldeng grupo habang wala namang nasugatan sa panig ng mga kasundalohan.

Samantala, narekober naman sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16A1 Rifle, isang short magazine ng M16 na baril, 17 rounds ng ammunition, isang bandolier at iba’t-ibang terroristic propaganda materials.

Nagpasalamat naman si Belleza sa mamamayan na patuloy na nagbibigay-impormasyon hinggil sa presensiya ng mga rebeldeng grupo.

Panawagan pa ng opisyal ang pagbalik loob sa pamahalaan ng iba pang miyembro ng mga makakaliwang grupo.