NAGA CITY- Arestado ang isang drug personality matapos ang isinagawang buybust operation sa Sitio Villa, Barangay Paiisa, Tiaong Quezon.

Kinilala ang suspek na si Angelo Rapal Amido, 37-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na naaktuhan ng mga awtoridad na nagbebenta ng iligal na droga ang suspek matapos na makabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na 0.08 gramo na may street value na P1,632.

Maliban sa buy bust item, narekober pa kay Amido ang isang P500 peso bill na ginamit bilang buy-bust money, limang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na isang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P29,400, at isa pang unit ng cellphone.

Napag-alaman na dati nang nahuli ang suspek dahil na rin sa kaparehong kaso at nasa drug watchlist ng mga awtoridad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang inihahanda naman ang kasong ipapataw laban dito.