NAGA CITY- Patay ang isang estudyante habang sugatan ang nasa 7 iba pa matapos maaksidente ang jeep sinasakyan ng mga ito sa Cabanbanan, Balatan, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO3 Joel Dimaiwat, Officer-In-Charge ng Balatan Fire Station, sinabi nito na ayon na rin sa driver ng jeep at PNP, mayroong pasahero na pumara sa lugar ngunit ng nagpepreno na sana ang driver ay hindi na ito gumagana, nakadagdag pa dito na pababa ang nasabing kalsada.

Dahil dito, mechanical error ang tinitingnan na dahilan ng mga awtoridad na naging sanhi ng aksidente.

Ayon kay Dimaiwat, 8 ang sakay ng nasabing jeep kasama na ang driver nito. Kung saan, isa dito ang nagtamo ng malalang injuries habang sugatan naman ang 7 iba pa.

Pinaniniwalaan naman na nataranta na ang nasabing estudyante kung kaya tumalon ito sa jeep na naging dahilan upang madaganan ito ng sasakyan matapos nitong tumagilid sa kalsada.

Samantala, pagdating naman umano nila sa pinangyarihan ng insidente, dito na nila naabotan ang wala ng buhay na katawan ng isang pasahero ngunit pinili pa rin nila itong isugod sa ospital kasama ang iba pang nasugatan.

Kinailangan rin umano nilang buhusan ng tubig ang highway sa pinangyarihan ng insidente dahil sa oil spill.

Kaugnay nito, ang nasabing insidente naman ang pangalawang insidente na naitala sa lugar mula noong Enero sa kasalukuyang taon.

Sa ngayon, muling nagpaalala ang opisyal sa mga drivers na bago umalis, siguraduhin na nadouble check ang kanilang mga sasakyan upang makaiwas sa kahalintulad na insidente.