NAGA CITY- Patay ang isang estudyante habang walo naman ang sugatan matapos ang nangyaring karambola sa Sitio Amao, Brgy. Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.
Kinilala ang namatay na si Kinley Gregorio Villaflores, 21-anyos, residente ng Brgy. Anahaw, Labo sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na kabilang pa sa mga biktima sina Henry Gregorio Villaflores, Gregorio Hernandez Mendoza, Nerissa Villaflores, Maricel Hernandez Mendoza, Mumar Villaflores Sanchez at Rommel Catbunton Vasquez.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nawalan ng preno ang truck na minamaneho ng suspek na si Anselmo Joaquin Celestino Jr., 54-anyos, residente ng 126 Estacion St. San Nicolas Gapan, Nueva Ecija, habang binabaybay nito ang pababang bahagi ng National Highway ng nasabing lalawigan resulta para masalpukan nito ang paparating na dalawang sasakyan.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima kabilang na ang suspek.
Agad namang itinakbo sa ospital ang mga ito, ngunit idineklara ring dead on the spot ang estudyanteng si Villaflores.
Sa ngayon, kasalukuyan pa na nagpapagaling ang mga nasugatang indibidwal habang patuloy naman ang imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.