NAGA CITY- Patay ang isang dating Barangay Secretary matapos pagbabarilin sa Sitio Maysuwa, Barangay Lamon, Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Julio Barotillo, 45-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Bernardo Peñero, ang hepe ng Goa Municipal Police Station, sinabi nito na bandang alas-12 ng madaling araw nang mangyari ang nasabing insidente.

Ayon kay Peñero, habang nasa looob ng kaniyang bahay ang kapatid ng biktima na si Rennie Abner nang makarinig na lamang ito ng sunod-sunod na putok ng baril ilang metro lamang ang layo mula sa bahay nito.

Agad naman na pinuntahan ni Abner ang bahay ng kapatid at dito na nito nakita ang nakabulagta nang si Barotillo.

Dagdag pa ni Peñero, nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril ang biktima dahilan upang agad itong bawian ng buhay.

Samantala, sinabi pa ni Peñero na wala namang nakikitang nakaaway ang biktima.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa pagkakakilalan ng mga salarin sa naturang krimen.