NAGA CITY – Patay ang isang fish vendor matapos na mahit and run sa Provincial Highway, Barangay Quipot, Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Jocelyn Bilog Roviños, 41-anyos, residente ng Sitio Loob, Barangay Ayusan 1, Tiaong, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng biktima ang eastbound lane ng nasabing kalsada ng bigla na lamang itong mabangga ng isang puting van na minamaneho ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na nagresulta sa agad nitong pagkamatay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, agad na tumakas patungo sa bahagi ng Candelaria, Quezon ang hindi pa nakikilalang suspek matapos ang nasabing insidente.

Kaugnay nito, dinala na rin sa punerarya ang bangkay ng biktima upang isailalim sa post-mortem examination.

Sa nagyon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo na ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan at pagkakakilanlan ng nasabing suspek.