NAGA CITY – Patay ang isang ice cream vendor matapos na pagsasaksakin sa Purok Buklod Pagkakaisa, Barangay Cotta, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Noel Punzalan, residente ng Barangay 9 sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nagkaroon ng mainit na diskusyon ang biktima at ang suspek na kinilalang si Reymart Postares, 29-anyos, residente ng nasabing lugar dahil umano sa nawawalang pera ng suspek sa nilalaro ng mga ito na cara y cruz.

Dahil dito, bigla na lamang umanong bumunot ng kutsilyo ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima dahilan upang magtamo ito ng sugat sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.

Agad naman na dinala sa ospital ang biktima para sa asistensya medikal ngunit ideklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.