NAGA CITY– Patay ang isa katao habang sugatan naman ang isa pa matapos magkaroon ng agawan ng baril sa San Antonio, Ocampo, Camarines Sur.
Kinilala ang namatay na si Luis Orobia, 37-anyos habang sugatan naman si Anthony Baldomino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Bernardo Peñero, hepe ng Ocampo-PNP, sinabi nitong humingi ng tulong ang biktimang si Rolando Neniva, 30-anyos matapos tangayin ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang alagang kambing.
Kaugnay nito agad namang rumesponde ang barangay tanod at mga kabarangay ni Neviva kung saan naharang nila ang isang sasakyan ng kasamahan ng suspek na si Luis Orobia, 37-anyos.
Sa gitna ng komprontasyon, biglang pinaputukan ni Orobio si Baldomino na tinamaan sa hita.
Hanggang sa nag-agawan na ang mga tanod, mga residente at si Orobio sa hawak nitong baril ngunit biglang pumutok at tinamaan ang suspek ngunit nagawa pa nitong makatakas.
Sa pagresponde ng mga otoridad, narekober ng mga ito ang katawan ni Orobio sa gilid ng palayan na wala ng buhay.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.