NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki matapos na magbigti sa Zone 2, Brgy. Sagurong, Pili, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jojo Bayrante, 55-anyos, residente ng Zone 1, Brgy. Sagurong, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Pili Municipal Police Station mula sa sa isang barangay kagawad ng nasabing lugar na kinilalang si Kagawad Robert Garcia hinggil sa nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamanan na binisita ng pamangkin ng biktima na kinilalang si Noel Randia si Bayrante upang kumustahin ang kalagayan nito matapos na magpositibo sa COVID-19.

Ngunit, ang inabutan nito ang nakabigti at wala ng buhay na bangkay ng kanyang tiyuhin, kung kaya agad naman nitong ipinaalam sa kanilang iba pang mga kamag-anak ang nangyari.

Pinaniniwalaan naman na na depress ang biktima dahil umano sa wala itong kasama sa kanilang bahay dahil sa pagkakasailalim nito sa quarantine matapos na magpositibo sa COVID-19, kung kaya ito umano ang maaring nagbunsod sa biktima na magpakamatay.

Wala na rin umanong balak ang mga kapamilya nito na ipagpatuloy pa ang imbestigasyon matapos na kumpirmahin ng mga awtoridad na wala namang nakitang nangyaring foul play sa pagkamatay ni Bayrante.