NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos na pagbabarilin nang hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy Manggalang Bantilan, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Edgardo De Castro, 40-anyos, habang ang sugatan na si Gerry Escovilla, 39-anyos, parehas residente ng Sitio Bungkalot, Brgy Lutucan Malabag, Sariaya, Quezon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na habang sakay ng isang motorsiklo ang mga biktima upang makipagkita sa isang indibidwal na kakilala naman ng kapatid ni Escovilla, nang bigla na lamang umano na dumating ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo na mula naman sa direksyon ng Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon at huminto sa harap ng mga biktima.

Dito naman bumunot ng isang short firearm ang angkas nang nasabing motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima na nagin dahilan upang magtamo ang mga ito nang tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi nang kanilang mga katawan na nagin dahilan sa agarang kamatayan ni De Castro, habang agad naman na dinala si Escovilla sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, agad naman na tumakbo ang mga suspek matapos na isagawa ang nabanggit na krimen.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay nang nasabing insidente gayundin ang paghanap sa posibleng kinaroroonan at pagkakakilanlan ng mga suspek.