NAGA CITY – Patay ang isang lola matapos na maipit sa nasusunog na bahay sa 1st Hermanas Capistrano Subd. 3, Brgy. Gulang-gulang, Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Arcelia San Juan, 87-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na kaninang ala-una ng madaling araw nang mangyari ang nasabing sunog na ideklarang fire out bandang alas-2 na nang madaling araw sa kaparehong araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na walang kasama sa loob ng bahay ang biktima nang mangyari ang nasabing insidente at dahil sa katandaan hindi na nito nagawa pang makalabas sa nasusunog na bahay.
Sinubukan pa umano itong iligtas ng apo nito na si Krizian Andrea Carandang ngunit hindi na nito kinaya pa dahil sa lakas ng apoy.
Dahil dito, nagtamo ng burn injury si Carandang habang binawian naman ng buhay si San Juan.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.