NAGA CITY-Dead-on-the spot ang isang magsasaka habang sugatan naman ang dalawa pa matapos na pagbabarilin ng nasa apat na hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Matikol, Brgy. Pansoy, San Andres, Quezon.

Kinilala ang namatay na si Bernabe Ebarsabal, 63-anyos habang ang mga nasugatan naman ang kinilalang sina Don Don Argawanon, 34-anyos at Jurnel Nick Riveral, 55-anyos, lahat residentes ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap na lamang nang tawag ang San Andres Municipal Police Station mula sa isang Ryan Oxales tungkol sa naturang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad nabatid na habang nakaupo sa veranda ng kanilang bahay si Ebarsabal nang bigla na lang dumating at walang habas na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na naging dahilan sa agaran nitong kamatayan.

Samantala, ang pinagbabaril naman na sina Argawanon at Riveral na nasa isang kubo kung saan 15 metros ang distansya mula sa bahay nang biktima ang agad namang isinugod sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.