NAGA CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos na saksakin sa Barangay San Vicente, San Narciso, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Wilmar Gerbacio, 27-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagkakasiyahan ang biktima at ang live-in partner nito na si Rizeline Ancajas ng magsumbong ang babae na hinipuan umano ito ng suspek na kinilalang si Christopher Tuyay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak, sinuntok ng biktima si Tuyay na agad namang inawat ng mga tao sa nasabing lugar.

Ngunit, hindi naman nakuntento ang suspek at sinaksak nito si Gerbacio habang papauwi na ito sa kanilang bahay.

Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng sugat ang biktima at agad namang dinala sa ospital para sa asisntensya medikal.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan ng suspek na agad tumakas matapos ang nasabing insidente.