NAGA CITY – Patay ang isang mangingisda matapos na pagsasaksakin sa Perez, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Lemuel Sollestre, 36-anyos, residente ng Brgy. Pinagtubigan Este sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na si Marlon Rocha, 21-anyos kasama ang mga kaibigan nito nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Sollestre at Rocha.

Dahil dito, bigla na lamang umanong pinagsasaksak ni Rocha si Sollestre dahilan upang magtamo ito ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Agad naman itong dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit ideklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Kaugnay nito, matapos na isagawa ang nasabing krimen agad naman na nagtangkang tumakas ang suspek ngunit agad rin itong nadakip ng mga awtoridad.

Sa ngayon, mahaharap sa kasong murder ang nasabing suspek.