NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang dalawa pang indibidwal matapos magsalpukan ang isang tricycle at motorsiklo sa Pamplona Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na 12-anyos habang ang mga nasugatan naman na sina Jonathan Briongos, 39-anyos, residente ng San Agustin, Canaman at si Rodmar Zargoza, 35-anyos, residente naman ng San Jose, Pili sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na habang minamaneho ni Briongos ang kaniyang tricycle sakay ang menor de edad, galing sa Naga City, dito na nito nasalpukan ang motorsiklo na minamaneho naman ni Zargoza mula naman sa kabilang direksyon.

Samantala, nabatid din na tila nakain umano ng tricycle na minamaneho ni Briongos ang linya ni Zargoza na nagresulta para magsalpukan ang mga minamaneho nitong sasakyan.

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na ikinasawi ng 12-anyos na binatilyo.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Briongos habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.