NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang dalawa pa matapos ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa Barangay 2 Poblacion, Mulanay Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang minamaneho ng 16-anyos na batang lalaki ang kaniyang motorsiklo habang angkas ang 13-anyos na babae papunta sa nasabing lugar nang mabangga nito ang motorsiklo na minamaneho naman ni John Paul Ical, 26-anyos.

Nabatid na nag-overtake kasi umano ang motorsiklo ng menor de edad kung kaya nangyari ang naturang banggaan.

Sugatan sa aksidente ang dalawang menor de edad gayundin si Ical na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal, ngunit sa kasamaang palad, ideniklarang dead on arrival ng mga doktor ang 16-anyos na lalaki.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.