NAGA CITY- Patay ang isang menor de edad habang sugatan naman ang dalawa katao matapos na mabangga ng truck ang isang motorsiklo na may sidecar sa Basud, Camarines Norte.

Kinilala ang dalawang sugatan na sina Arnel Apolinar, 24-anyos at April John Barrameda, 18-anyos ng naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office, napag-alaman na habang pauwi na ang mga biktima sakay ng motorsiklo ng bigla na lamang mawalan ng kontrol pagdating sa may pakurbadang bahagi ng kalsada at dito na nabundol ng kasalubong na truck na minamaneho naman ni Ritchie Baja, 29-anyos, residente kan Davao City.

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Apolinar at Barrameda habang idineklara naman ng mga doktor na Dead-on-Arrival ang isa pang menor de edad.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad si Baja para sa karampatang disposisyon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.