NAGA CITY-Patay na nang matagpuan sa loob ng isang sako ang isang menor de edad na babae sa Atimonan, Quezon. Kinilala ang biktima na si alyas Mae, 7-anyos.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Peter Austria Aureada, 20-anyos, residente ng Brgy. Sto Cristo, San Pablo City, Laguna, at ang kasama nitong 9 anyos na hindi na pinangalanan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na personal pa na pumunta sa himpilan ng pulisya si Peter Austria Aureada at ang kasama nitong menor de edad upang i-report ang kanilang natagpuan na katawan ng biktima na nasa loob ng isang sako, at wala nang suot na pang-ibaba.

Dahil dito, pinaniniwalaan na hinalay ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, kanilang hinanap ang suspek sa paraan nang paghanap dito sa CCTV Footages.

Dito nila nadiskubre na si Peter pala ang huling kasama ng biktima bago nangyari ang insidente, at makikitang dala pa nito ang sako na ginamit sa krimen.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.