NAGA CITY- Sugatan ang isang miyembro ng Philippine Army matapos na maitala ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng gobyerno at mga rebeldeng grupo sa Infanta, Quezon.
Kinilala ang nasugatan na si Staff Sergeant Alex Ayupan, 43-anyos, naka-assign sa 1IB 2ID Brgy. Tongohin, Infanta, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo tungkol sa apat na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na mayroong dalang sako na may lamang mga baril.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nilapitan ng biktima kasama ang ilan sa mga kasamahan nito sa Philippine Army na sina SSg. Charnelo Valor at PFC Rapol ang apat na hindi pa nakikilalang mga indibidwal na kung saan agad namang tumakbo ang tatlo sa mga ito habang nagpaputok naman ang isa pa.
Dahil dito, nagtamo nang mga tama ng baril sa kanyang dibdib ang biktima na naging rason upang magkaroon naman ng palitan ng putok.
Samantala, agad namang dinala sa ospital ang biktima para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.