NAGA CITY- Patay ang isang motorista matapos na mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo sa Brgy. Sto Domingo, Iriga City.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Julian Micheal Anthony Caayao, 29-anyos, residente ng San Felipe, Naga City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ni Caayao ang kanyang motorsiklo patungo sa lungsod ng Naga nang mag-overshoot ito sa pakurbang bahagi ng daan, dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa sasakyan at nadulas kung saan tumama ang kanyang ulo sa sementadong daan.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit ideneklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nasa impluwensiya ng alak si Caayao nang mangyari ang naturang insidente.