Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng rebeldeng grupo sa Barangay Malabog, Caramoan, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Louie Ordoñes, Chief of Police ng Caramoan Municipal Police Station, nabatid na una nang nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng gobyerno hinggil sa presenya ng mga teroristang grupo sa nasabing lugar.
Ayon kay Ordoñes, agad naman na nagsagawa ng operasyon ang tropa ng gobyerno at dito na ng mga ito nakasagupa ang humigit kumulang sampung miyembro ng mga makakaliwang grupo.
Aniya, tumagal ng sampung minuto ang nasabing sagupaan na nagresulta naman sa pagkamatay ng isa sa miyembro ng NPA habang agad namang tumakas sa bulubunduking bahagi ng nasabing lugar ang mga kasamahan nito.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Ordoñes na walang naitalang nasugatan o namatay sa hanay ng tropa ng gobyerno sa naturang insidente.
Samantala, narekober mula sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang rebolber na baril na may 50 bala; dalawang granada; isang magazine para sa M16 rifle; pitong IED at iba pang gamit sa pampasabog; apat na radio kasama ang kanilang “charger”; at mga personal na gamit ng namatay.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad habang tinutugis naman ang mga tumakas na mga miembro ng NPA sa nasabing lugar.