NAGA CITY – Patay na ng matagpuan ang isang padre de pamilya matapos na makuryente sa San Fernando, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Victorino Mulleda, 53-anyos, residente ng Barangay Pamukid, sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na alas-7 ng gabi noong Nobyembre 13 ng umalis ang biktima sa kanilang bahay kasama ang anak nito para mangisda.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, naghiwalay ang mag-ama at nagpunta sa magkaibang direksiyon.

Ngunit, kinaumagahan, hindi na nakabalik pa ang biktima, kung kaya agad itong hinanap ng kaniyang pamilya at dito na natagpuan na nakahandusay at wala ng buhay sa gitna ng palayan si Mulleda, kung saan nakasukbit pa sa likod nito ang de-kuryente panghuli ng isda.

Agad naman itong nirespondehan ng mga awtoridad ngunit tumanggi na ang pamilya nito na isailalim sa otopsiya ang nasabing biktima.