NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos maaksidente ang minamanehong truck sa Barangay Ayugao, Presentacion, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Edwin Oliveros II, 35-anyos, at Jimly Epabonete, 40-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang minamaneho ni Oliveros ang truck kasama ang helper nito na si Epabonete nang mawalan ng preno at kontol ang kanilang sasakyan.

Dito na nakabangga ang nasabing truck sa gilid na bahagi ng bundok sa nasabing lugar dahilan para tumilapon si Oliveros at Epabonete.

Dahil dito, nagtamo ng tama sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima na agad naman dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.

Ngunit, sa kasamaang palad, binawian ng buhay sa insidente ang driver na si Oliveros.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.