NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos na pagbabarilin sa Tinambac, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Russel Ationdo, 39-anyos, at Mark Anthony Solo, 29-anyos, kapwa residente ng Barangay Bagacay, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na habang sakay ng motorsiklo pauwi sa kanilang bahay sina Ationdo at Solo nang bigla na lamang itong paulanan ng putok ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang lulan naman ng isa ring motorsiklo.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng baril sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan ang mga biktima.

Agad naman na dinala sa ospital ang nasabing mga biktima para sa asisitensiya medikal ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Ationdo.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente gayundin ang pagtunton sa pagkakakilanlan ng nakatakas na mga suspek.Top