NAGA CITY- Patay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang isa pa matapos pagbabarilin sa Sitio Balete, Brgy. Sta. Lucia, Dolores, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Jonathan Gaurano, 30 anyos at Rhealou Gaurano, 25 anyos, kapwa residente sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na matutulog na sana sina Jonathan at Rhealou ng dumating sa kanilang bahay ang mga suspek na sina Joal Baquiran alyas “Dupi” at Christian Baquiran alyas “Banak”, residente ng Brgy. Kinabuhayan sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumabas sina Jonathan at Rhealou sa kanilang kwarto ng marinig ng mga ito na may tumatawag kay Jonathan ngunit sa kasamaang palad, dito na pinagbabaril ni Baquiran ang mga biktima.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Jonathan.

Sa ngayon, patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang mga suspek matapos ang naturang insidente.