NAGA CITY- Patay ang isang babae habang sugatan naman ang isa pa matapos pagtatagain sa Brgy. Binahan Upper, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Anna Rose Burce, 27-anyos habang sugatan naman ang kasama nito na si Apple Jane Azuela, 30-anyos na pawang residente ng Brgy. Sta. Cecilia, Tagkawayan, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na natutulog umano ang mga biktima sa isang kwarto sa isang Videoke Bar nang magpumilit na pasukin ng suspek na kinilalang si Charlie alyas “Bansot” ang naturang Videoke Bar habang bitbit ang patalim nito.

Kaugnay nito, pinagtataga umano ng suspek ang mga biktima dahilan upang magtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagawa pang makatakas ni Azuela ngunit sa kasamaang palad ay ideniklarang wala ng buhay si Burce.

Sa ngayon, kasalukayan pa umanong nagpapagaling si Azuela sa Bicol Medical Center.

Samantala, patuloy pa rin ang imbestigadyon ng mga otoridad lalo na ang paghahanap sa nasabing suspek matapos na tumakas sa naturang krimen.