NAGA CITY – Patay ang isang 81 -anyos na lola habang sugatan naman ang 11 iba pa sa karambola ng apat na sasakyan sa Crossing ng Barangay Tara, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang biktimang si Elizabeth Gueruela Padua, residente ng Libmanan Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Major Alan E. Makoy Jr., acting Chief of Police ng PNP Sipocot, napag-alaman na habang binabaybay ng isang delivery truck na may mga lamang motorsiklo na minamaneho ni Manuel Squertes ang kahabaan ng kalsada sa naturang lugar nang bigla itong nawalan ng kontrol sa sasakyan at sumalpok sa isang pampasaherong jeep.

Dahil dito, nabangga naman ng nasabing jeep ang isa pang van at nadamay pa ang isang motorsiklong nakapark sa nasabing daan.

Sa lakas ng impact ng pagkakabangga ng truck sa jeep tumilapon ang pasaherong si Padua at nadaganan pa umano ito ng sinasakyang jeep.

Dinala pa sana sa ospital si Padua ngunit idineklara na itong dead on arrival ng mga doktor.

Samantal, sugatan naman ang 11 iba pang pasahero ng jeep habang wala namang na-iulat na binawian ng buhay sa sakay ng nadamay na van.

Sa ngayon nasa kustudiya na ng mga otoridad ang driver ng truck para sa karampatang disposisyon.