1 patay, 2 sugatan sa salpukan ng 2 sasakyan sa Quezon

NAGA CITY – Patay ang isa habang dalawa naman ang sugatan matapos na magsalpukan ang dalawang sasakyan sa Brgy. Malapad, Real Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang binabaybay ng driver na kinilalang si Darrel Dave Castillo, 22-anyos, ang kahabaan ng Mauban-Real Road angkas ang girlfriend nitong si Mary Joy Villaflor Rañosa ng makasalubong nito ang motorsiklo na mabilis na pinatatakbo ng suspek na si Rogelio Rapayas Morales habang angkas nito si John Michael Jimenez Frades, 24-anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na mabilis ang patakbo ng suspek kahit pa nasa pakurbadang bahagi ito ng kalsada na naging dahilan para magsalpukan ang nasabing mga sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahago ng kanilang katawan ang mga biktima.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang driver na si Castillo, habang nagpapagaling naman ang kasintahan nito kasama ang angkas ng suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang parusa na ipapataw dito.