NAGA CITY- Patay ang isang katao habang dalawa naman ang sugatan matapos na magkasalpukan ang isang truck at motorsiklo sa Barangay Sumilang, Calauag Quezon.

Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Enrique Iglesia Magdato, 29-anyos at ang angkas nito na si Germano Tadeo Olviga, 35-anyos habang kinilala naman ang driver ng truck na si Rolando Silaya Capiña, 51-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang binabaybay ni Capiña ang nasabing lugar nang subukan ng kasalubong nitong motorsiklo na minamaneho ni Enrique na mag overtake sa isa pang sasakyan.

Dito na nasalpukan ng motorsiklo ang truck na minamaneho ni Capiña, dahilan upang tumilapon ang motorsiklo at makatama ito sa semento.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad na dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit idineklara ring dead on the spot ang angkas ng motorsiklo na si Olviga.

Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.