NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang tatlo naman ang sugatan matapos ang nangyaring aksidente sa Maharlika Highway, Sitio Alimboboyog, Barangay Alteza, Sipocot, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PEMS Albert Joven, ng Sipocot MPS at imbestigador ng nasabing indsidente sinabi nito na habang binabaybay ng L-300 Mitsubishi Van ang nasabing lugar ng mawalan umano ng kontrol ang driver nito na kinilalang si Robert Estrella, 27-anyos.
Ayon kay Joven, sakay ng nasabing van ang tatlo pang indibidwal na kinilala naman na sina Carlito Rosalis, Cedrieck Orian mga residente sa San Fernando, Pampanga.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang nasabing mga indibidwal kabilang na ang driver nito.
Kaugnay nito hindi na naman nagawang makaligatas ng isa pang kasamahan ng mga biktima na kinilalang si Allan Esguerra,47-anyos residente ng Barangay South Centro, Sipocot, Camarines Sur.
Ayon kay Joven base sa imbestigasyon, napag-alaman na habang nasa kurbadang parte ng kalsada ng mawalan umano ng kontrol ang driver nito resulta upang bumanga ang nasabing sasakyan sa isang punong kahoy.
Napag-alaman na si Esguerra ang napuruhan sa nasabing aksidente dahil ito umano ang katabi ng driver sa unahang parte ng nasabing sasakyan.
Agad naman umanong tinakbo sa ospital ang nasabing mga indibidwal ngunit dineklara ng dead on arrival si Esguerra.
Sa ngayon nag papatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.