NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang sakay nito matapos na bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang tanker sa Sitio Lagatic Barangay Taisan, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang namatay na si Rommel Castillo at ang sugatan na backrider nito na si Princess Lopez mga residente ng Lopez, Quezon, habang kinilala naman ang drayber ng tanker na si Gidel Balid, residente ng Pili, Camarines Sur.

Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office CSPPO, sinasabing habang pa-overtake ang motorsiklo sa nasabing tanker ng mawalan ito ng kontrol dahilan para tumama ito sa gulong ng tanker.

Kaugnay nito, agad namang isinugod sa ospital ang mga sakay ng motorsiklo subalit idineklarang dead on arrival si Castillo at sugatan naman ang sakay nitong si Lopez.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang drayber ng tanker habang patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.