NAGA CITY-Patay ang isang lalake habang sugatan naman ang tatlo pa pagkatapos ng insidente ng pananaksak sa Talisay, Camarines Norte.

Kinilala ang binawian ng buhay na biktima na si Reymar Meneses Jalimao, 23 anyos, habang ang tatlong sugatan na biktima naman ay sina alyas JR, 23 anyos, alyas Rey, 26 anyos, at alyas Jay, 21 anyos, lahat residente ng Barangay Bagasbas, Daet, Camarines Norte.

Kinilala naman ang mga suspek na sina alyas Aye at alyas Ramil, parehong residente ng Barangay Gabon, at si alyas Kado, residente ng Barangay Cahabaan, lahat residente ng Talisay, Camarines Norte.

Ayon sa Talisay Municipal Police Station, nakakuha aniya ang kanilang hepatura ng tawag tungkol sa nabanggit na insidente kung saan kaagad nila itong pinuntahan upang i-beripika ang insidente.

Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nagsimula aniya ang insidente ng magkaroon ng mainit na pagtatalo ang mga suspek at ang mga biktima, na nag-resulta sa pananaksak sa mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan na kinamatay ni Reymar.

Kaagad naman na tumakas ang mga suspek pagkatapos ang insidente.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang Talisay Municipal Police Station upang mahuli ang mga suspek.