NAGA CITY – Natupok ng apoy ang isang paupahang bahay sa 1st St. Donya Clara Subd., Concepcion Pequeña sa lungsod ng Naga kaninang alas-3:30 ng madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Francia Santua, isa sa mga boarder ng nasabing bahay, sinabi nito na habang nasa loob ito ng kaniyang kwarto nang makita nito ang usok na nagmumula sa nasusunog ng katabing kwarto.
Agad naman umano itong humingi ng tulong, ngunit sa kasamaang palad wala itong nailigtas na anuman na kagamitan maliban sa kaniyang sarili.
Pasado alas-4 naman ng madaling araw ng ideklara na fired out ang nasabing sunog.
Samantala, tiniyak naman ng konseho de barangay na mabibigyan ng karampatang tulong ang mga biktima ng nasabing insidente.
Ayon naman kay Kapitan Jewelin Regmalos, posible umanong magbigay rin ng financial assistance ang City Social Welfare and Development sa mga biktima para naman sa pagpapaayos ng nasunog na bahay maging ang pagkain ng mga ito.
Dagdag pa nito, inaayos na sa ngayon ng mga Barangay Health Worker ang report para maisumite na ito sa kanya at magawan ng karampatang aksiyon.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pag-alam sa kabuoang halaga ng pinsala na iniwan ng nasabing sunog.