NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isang pulis matapos pagtatagain ng nagwawalang suspek sa Barangay Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki PLt Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Calabanga MPS, sinabi nito na unang rumesponde ang nasabing mga otoridad matapos na mabatid na may nagwawala sa nasabing lugar.
Ayon kay Spaña, habang sinusubukan sanang kausapin ang suspek na kinilalang si Agapito Catimbang Jr., 46-anyos residente ng Barangay Bigaas Calabanga, Camarines Sur nang sugurin nito at pagtatagain ang pulis na kinilalang si PSSG Russel Erl Pron kung saan nagtamo ito ng tama sa kanang kamay.
Aniya, madilim ang lugar nang pinangyarihan kung kaya agad na umatras si PSSG Russel at pinagbabaril naman ng mga otoridad na nagresulta nang agarang pagkamatay ng suspek.
Batay sa imbestigasyon, nabatid na mayroong problema sa pag-iisip ang nasabing suspek at marami na rin itong kinasangkutang mga insidente.
Ayon dito, ilang taon na ang nakakalipas nang iwanan ito ng kaniyang asawa at anak, kung kaya pinaniniwalaang ito rin ang nakapagpalala ng kaniyang sitwasyon.
Samantala, ayon naman sa mga residente ng nasabing lugar madalas na nangyayari ang gayong insidente tuwing nakainom ito.
Dahil dito, kinatatakutan umano ng mga residente ang naturang suspek.
Sa ngayon, nanindigan naman ang hanay ng mga otoridad na ginawa lamang nila ang nasabing hakbang para sa ikabubuti ng mga residente sa lugar.