NAGA CITY- Patay ang isang security guard matapos ma-hit and run sa Bula, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Eunice Ibarrientos, 30 taong gulang, at residente ng San Antonio, Iriga City sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na pansamantalang ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa gilid ng highway at bumaba upang hanapin ang kanyang cellphone na nahulog sa kalsada, nang nabangga ito ng isang puting sasakyan na minamaneho ng hindi pa nakikilalang suspek na agad tumakas patungo sa direksyon ng Baao, Camarines Sur.
Dahil dito, nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at agad na dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bula MPS sa pinangyarihan ng insidente at nagsagawa ng imbestigasyon para sa posibleng pagkakakilanlan ng sasakyan at pagkakaaresto sa suspek.