NAGA CITY- Patay ang isang sundalo at isang miembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos magkasagupa ang dalawang grupo sa Brgy Puray of Rodriguez, Rizal.
Maliban dito, dalawang sundalo pa ang sugatan subalit nasa mabuting kalagayan na.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa 2nd Infantry Division, Philippine Army, nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalong nakabase sa nasabing lugar kaugnay ng umano’y presensya ng mga rebelde sa naturang barangay.
May impormasyon din umano ng planong pang-aatake ng nasabing lugar mga rebelde sa mga sundalo.
Kaugnay nito agad na nagsagawa ng operasyon ang kasundaluhan na nauwi sa nasabing engkwentro sa humigit kumulang 30 mga rebelde.
Narekober sa lugar ang isang katawan ng napatay na rebelde, M16 rifle; Hand grenade; Rifle grenade; Jungle pack; at mga dokumento.
Pinaniniwalaan namang marami ang sugatan sa panig ng mga rebelde dahil sa dami ng mga dugong naiwan sa lugar ng pinangyarihan.
Samantala, kinondena naman ni Maj Gen Arnulfo Marcelo Burgos Jr. ang nasabing aktibidad ng mga rebelde na umano’y violation sa “reciprocal declaration of ceasefire” noong Marso 26, 2020.