NAGA CITY – Patay ang isang sundalo matapos muling magkabakbakan ang tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo sa Barangay Salvacion, San Fernando, Masbate.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Division Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, nabatid na nagsagawa ng security operation ang tropa ng 2nd Infantry Battalion (2IB) at PNP dahil sa report na planong pang-aatake ng mga rebelde sa lugar.
Kaugnay nito, nauwi sa bakbakan ang insidente na tumagal ng halos isang oras bago tuluyang tumakas ang mga pinaniniwalaang mga miembro ng NPA.
Isa sa mga military personnel ang binawian ng buhay habang inaalam pa kung may mga casualty sa panig ng mga kalaban.
Narekober sa encounter site ang tatlong m16 rifles , dalawang M4 rifles, isang baby armalite, isang m203 grenade launcher, anim na anti-personnel landmines, mga bala at magazines, communication equipment at mga subersibong suplay.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang hot pursuit at clearing operation ng mga otoridad sa lugar ng pinangyarihan.