NAGA CITY- Arestado ang 11 Chinese Nationals na sangkot sa iligal na pagmimina ng Uranium sa Barangay Tugos Paracale, Camarines Norte nitong Linggo, October 13, 2024.
Kaugnay nito, inalerto ni Camarines Norte Governor Ricarte R. Padilla ang mga opisyales ng Bureau of Immigration (BI),Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Armed Forces of the Philippines (AFP at Philippine National Police (PNP) para sa pagkakadakip sa mga nasabing indibidwal.
Batay sa paunang report, ang kompanya na namamahala sa nasabing operasyon ay kumpleto naman sa kaukulang environmental compliance certificate (ECC) to operate, ngunit lumagpas ang mga ito sa sakop ng kanilang lisensiya.
Kaugnay nito, nagpaghayag ng kanilang pagkabahala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa tinawag nilang ‘guerilla style’ ng pagmimina na kung saan Chinese Nationals ang mga sangkot.
Ang mga naarestong indibidwal ay may hawak lamang na tourist visa habang iligal na nagmimina ng Uranium.
Ang uranium ay mahalaga para sa pagpapatakbo ng mga komersyal na nuclear reactor na gumagawa ng kuryente, gayundin para sa paglikha ng mga isotopes na ginagamit sa mga medikal, pang-industriya, at mga aplikasyon sa pagtatanggol.
Sa kasalukuyan, ipinasara na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang lugar habang mahaharap naman sa kasong paglabag sa Philippine Mining Act and the Clean Water Act ang mga naarestong Chinese Nationals.