Nasawi ang isang 12-anyos na batang babae matapos maapektuhan ng barilan sa isang police operation na isinagawa sa Barangay Labangal, General Santos City noong Sabado.
Ayon sa ulat, isinisilbi ng pulisya ang warrant of arrest sa isang 42-anyos na mekaniko sa Purok Pandian nang magpaputok umano ang suspek, na nauwi sa palitan ng putok sa loob ng residential area. Napatay ang suspek at idineklarang dead on the spot.
Sa gitna ng insidente, natagpuan ang 12-anyos na babae sa kama ng kalapit na bahay na may tama ng bala sa ulo na tumagos pa sa leeg. Ayon sa kanyang lola, nagtago ang Grade 4 student sa ilalim ng kama kasama ang ibang bata nang tamaan ng bala.
Umapela ng hustisya ang pamilya ng biktima kasunod ng insidente, habang iginiit ng lokal na pamahalaan ng General Santos City na sinisiguro nito ang kaligtasan ng mga residente sa mga operasyon ng pulisya.
Iimbestigahan din kung nakapagsagawa ng sapat na pag-iingat ang mga awtoridad dahil nangyari ang insidente sa isang residential area na may mga sibilyan.
Samantala, isinuko na ng tatlong pulis na rumesponde ang kanilang mga armas para sa forensic examination. Ayon sa Police Regional Office 12, lumalabas sa inisyal na findings na ang bala na tumama sa biktima ay posibleng mula sa armas ng suspek batay sa trajectory nito.
Naglunsad na rin ng motu proprio investigation ang Philippine National Police-Internal Affairs Service upang matukoy kung may naging kakulangan sa operasyon. Nakikipag-ugnayan din ang Commission on Human Rights sa National Bureau of Investigation para sa hiwalay at impartial na ballistic examination.








