Kinumpirma ng World Health Organization (WHO) na hindi bababa sa 13 health facilities sa Iran ang inatake sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan na may kinalaman sa kampanyang militar ng United States at Israel.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, naitala ng organisasyon ang 13 pag-atake sa mga health facility sa Iran at isa naman sa Lebanon, bagama’t hindi nito tinukoy kung sino ang responsable sa mga insidente

Sa parehong briefing, sinabi ni Hanan Balkhy ng WHO na apat na ambulansya sa Iran ang naapektuhan at ilang ospital at health sites ang nakaranas ng bahagyang pinsala dahil sa mga strike na naganap malapit sa kanilang lokasyon.

Batay sa ulat ng mga awtoridad ng Iran, may mga pasilidad na nasira habang ang isang ospital sa kabiserang Tehran ay kinailangang lumikas ang mga pasyente at tauhan bilang pag-iingat.

Advertisement

Iniulat din na sinusuri pa ng WHO ang mga ulat na apat na medical personnel ang nasawi at 25 iba pa ang nasugatan sa mga naturang pag-atake.

Samantala, sinabi ng kinatawan ng Iran sa United Nations sa Geneva na hindi bababa sa 10 health facilities ang direktang tinamaan ng mga military strike, batay sa liham na ipinadala nito sa WHO ngayong linggo.

Dahil sa lumalalang sitwasyon, pansamantalang naapektuhan din ang operasyon ng logistics hub ng WHO sa Dubai na nagsusuplay ng mga kagamitang medikal sa maraming bansa, matapos ipataw ang mga restriksyon sa transportasyon sa rehiyon.

Advertisement