NAGA CITY – Binigyang-diin ng isang konsehal sa lungsod ng Naga na ang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas ay dahil sa huling hininga ng mga sundalo ng bansa na nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa kalayaan.
Ang nasabing pahayag ni Naga City Councilor Joe Perez ay kasunod ng pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Philippine Independence.
Kinilala rin nito ang 15 Martires o ang labinlimang mga martir ng Bicol kung saan ang labing-isa rito ay binaril sa Bagumbayan noong Enero 4, 1897 habang namatay naman ang apat pa habang nakabilanggo.
Inilarawan din ni Perez na ang kabanata sa local history na isang pangyayari na “worth remembering” ngunit tila bigo umano ito na makuha ang National attention and consciousness.
Dagdag pa nito, panahon na rin aniya na magpatayo ng monumento para sa magkapatid na sina Tomas at Ludovico Arejola.
Ang nasabing mga local heroes ay mayroong importanteng papel na ginampanan sa Philippine revolution.
Una na rin umanong isinulat ng namayapang si dating Sen. at Education Secretary Raul S. Roco na hindi pa rin naisasaalang-alang ang mga kabayanihan ng magigiting na mga bikolano na lumaban sa panahon ng Philippine Revolution kontra sa mga Espanyol, mga nakipaglaban sa Philippine-American War, maging sa Japanese occupation.
Sa ngayon, binigyang diin na lamang ni Perez na ang pinakamataas na pagpapahalaga sa mga bayani ay hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita kung hindi sa pamamagitan ng pamumuhay sa kanilang mga sakripisyo.